Archive for the ‘Filipino Short Story’ Category

Ang Dakilang Wala
September 7, 2008

Ni Pol Arellano

Nung mga bata kami, may mga pangarap kami.

Si Bajoy, yung tatlo ang baba, gustong maging engineer. Gagawa siya ng mga gusali. Mga tulay. Mga bahay ng artista. Lalo na sa Alabang.

Si Mila, yung laging nakabukaka, gustong maging doktor. Gagamot siya ng matatanda, mga bata. Mga buntis, mga sanggol. Mga mahihirap at mayayaman.

Ako, gusto kong maging wala.

Sa totoo lang, ako ang may pinakamahirap na maabot na pangarap. Paano, alam kong sobrang galing ko. Ang galing kong kumanta, magsayaw, magsalita, mag-math, magtikol, manligaw, magpaiyak ng babae,  magpatili ng babae, magpasaya ng babae, at magpasaya (kindat, kindat) ng babae.  Sa lahat ng talento ko, mahirap maging wala. Kumbaga destined for greatness ako e. Kaya sigurado akong hindi ako magiging wala. Kaya yun ang pangarap ko, kasi alam kong ang pangarap, lalo na sa Pilipinas, mahirap abutin. At yun lang ang bagay na naiisip kong hindi ko maaabot. Maging wala.

Kasi naman ang galing kong magdrowing. Dati lagi akong pinapagdrowing ng titser namin. Sasabihin niya,  “Pepe, magdrowing ka nga ng batang naglalaro. Ayan, ang ganda! O tapos magdrowing ka naman ng mag-asawang kumakaway. Oo, ganyan nga! Tapos lagyan mo ng magandang bahay sa likod. Sige, pati puno. Ay, aso din. Hm, dagdagan mo pa. Mga labingisa. Ayan, ayan! O sige lagyan mo ng tangke. Sa gilid lagyan mo naman ng astronaut. Lagyan mo na rin ng Playboy Bunnies sa taas, hindi, hindi, kunwari nakasabit sila sa buwan. Si Donald Trump gawin mong mas matangkad. Oo, pati si Oprah gawin mong mas maputi ng konti. Konti lang, baka maiba na masyado. Ayan, ayan! Ang galing mo Pepe!” Lagi akong pinapagdrowing. Puring-puri ako lagi e. Ang galing ko kasi maghalo ng mga kulay. Sinasabi ko sa’yo, kapag nakakita ka ng gawa ko maluluha ka e. Ganon ako kagaling.

Nabanggit ko na bang captain ako ng Basketball, Softball, Volleyball, Baseball, Swimming, Polo, Chess, Bowling, Table Tennis, Rollerblading, Ice Skating, Quiditch, Hangaroo, Diner Dash, Counter Strike at Dama teams sa school? Pwes ako lahat yan. Kapag may laro ako, yung mga babae sa gilid, inaabangan yung pagpapawis ko. Binobote nila tapos binebenta nila sa Quiapo. Katabi nung mga pamparegla pati mga bloke ng tawas. Nakakagaling daw yung pawis ko e. Parang magic oil ng El Shaddai. Kaya lang mas mabango ng di hamak yung pawis ko. Pati mas efektiv.

Galing ko din magsalita. Lagi akong panalo sa mga debate sa school. Edi ipapakilala na ako ng host. Tilian yung mga tao, grabe. May mga naghahagis pa ng panty. Minsan may brip, pero minsan lang yun. Tapos ipapakilala yung kalaban ko. Ang daming nagbu-boo. Para mong nakita yung pumatay kay Bambi na biglang pumasok sa meeting ng PETA e. Ganong-ganon. Alam na ni gago na wala siyang binatbat e.  Tapos pinagbigyan siya, pinauna siya ng moderator matapos sabihin ang tapik – Tingin mo ba’y tama ang same sex marriage o hindi? Sinabi niyang kasalanan ang same-sex marriage. Sinabi niyang hindi yun Biblikal. Sinabi niyang hindi ginawa ang babae para sa babae, at ang lalake para sa lalake. Wala daw ito sa naturalesa. Madami siyang sinabing batayan: mga science journals, mga philosophies. Iba’t iba talaga. Madami siyang pinakitang patunay sa mga sinasabi niya. Madaming tao ang tumutulo na ang laway at may mga naglalako na ng mani sa gitna. Tinawag na ng commentator ang pangalan ko at biglang nagising ang lahat! Slow motion akong naglakad papunta sa stage at mga labinlimang minutong naghintay na humupa ang palakpakan at hiyawan at ang wave na ginawa ng mga manonood. Handa na ang lahat sa matindi kong istilo ng pagsagot sa kalaban ko. Ito na ang hinintay nila ng matagal. Sino ba naman ako para biguin sila? Gwapong-gwapo kong sinabing “E sa okay lang sakin e, paki mo?” NAGSITAYUAN yung mga tao e! Sobrang bilib sila sa katalinuhan ko nun. Nakakabingi yung palakpakan pati hiyawan! Pahiya yung kalaban ko! Akala mo nanalo yung Ginebra sa ingay e. Akala mo nanalo si Erap ulit e.

Sa sobrang galing ko, pati mga kaaway ko napabilib.

Ganon ako kagaling. Magaling ako sa lahat ng bagay. Hindi mo pa naiisip, alam ko nang magaling ako dun sa bagay na iisipin mo pa lang. Galing no?

Ngayon matatanda na kami nila Bajoy at Mila.

Si Bajoy, wala na yung tatlong baba. Pumayat na si gago. Engineer na siya. Siya yung gumawa ng bagong Cultural Center sa maynila. Sobrang ganda nung gusaling yun,walang binatbat yung luma. Binisita yun ni Angelina at ni Brad Pitt nung nakaraang buwan. Tapos may inampon silang bente-siyeteng mga batang kalsada nung napadaan sila sa Ermita. Yung kalsadang dinaaanan nila, inayos ni Bajoy. Pinakinis. Ginawang bago.

Si Mila,  mahilig pa rin bumukaka. Pero doktora na siya. Naka-assign siya sa Benguet. Doon siya naggagamot ng libre sa mga matatanda na kabilang sa mga tribo. Kailangan niyang bumukaka dun. Kapag tumatalon siya sa pagitan ng mga lawa at umaakyat ng bundok, kailangan niyang bumukaka.

Ako, ito, magaling pa rin.

Hindi ko nga lang maikwento sa Amerikanong kausap ko kung gaano ako kagaling.

Ang importante lang sa kanya e yung maling bill na dumating sa kanya kanina, dahil hindi naman daw siya nagsubscribe sa pay-per-view nung nakaraang linggo.

Magaling pa rin ako.

At mukhang dahil sa sobrang galing ko, nagawa ko yung inisip kong hindi ko magagawa.

Tulad nila Bajoy at Ana, natupad ko ang pangarap ko.

Ako ngayon ay isang dakilang wala.

Advertisement