Ni Pol Arellano
Binuksan ko ang puso ko sayo’t
Tinikman
Ang pawis mong maalat-alat
Hinawakan ko’t hinagkan
Ang agaw putik-abo mong kakisigan
Kinilatis ko ang pagtitig mo
At ang bawat kurba ng iyong pagkatao
Tumawid ako’t lumapit
Lumapit hanggang sa sumikip
Hanggang sa hininga man ng nagaagaw-buhay na sanggol
Ay maluwang pa kay sa pagitan
Ng pawisan mong wangis at ng nakadukwang kong dibdib
Gabi-gabi’y inaawitan ko
Ang larawan mong
Umiikot sa aking hapag
Tinitingala kita
Habang lantad sa iyong harapan ang
Mababango kong mga kandado
Kandadong kalag para sa iyo
Ngunit sa paghaba ng leeg ko
Upang ika’y mapagmasdan
Hinatak mo ako at ako’y
Napatitig
Sa iyong mga nakaunat na palad
Nakaunat
Nakatikom
Nakaramdam ako ng pagsikip
Pagsikip ng hininga
Nagkaroon ng marubdong pagtutunggali –
Nagpapaunahan ang dugo, luha ko’t pagiisip
Sa paghimlay sa nakadukwang kong
Dibdib
At nagpapadausdos
Sa lupang kinasasadlakan
Ng hubad kong likuran
Ang puso kong binuksa’y
Niyapakan mo, mahal ko
Ngunit
Ang luha kong tuyo
Ang malansa kong dugo
At ang isip kong hapo
Ay patuloy na titingala
Titingala
Baka sakaling maramdaman mong
Ang pagangat ng leeg ko’t
Ang pagdukwang ng dibdib ko’y
Para sa iyo, mahal
Wala ng titikim
Sa iyong maalat-alat na pawis
Alalahanin mo mahal ko
Alahanin mong kapag wala nang tulad kong sa pawis mo ay titikim
Hindi na magkakaroon kailanpaman ng tagapunas
Tagapunas ng pawis mong maalat-alat
Maalat-alat at maitim.
Isang tulang iniaalay para sa mga bayaning pinaslang, sa anomang paraan, ng kanilang ipinaglalaban.